You also want an ePaper? Increase the reach of your titles
YUMPU automatically turns print PDFs into web optimized ePapers that Google loves.
114

Pagpapakilála sa Ilang Gitlaping Patay saTagalog

Gitlapi rin ang “ang”

Sa isang pag-aaral ni Balmaseda tungkol sa mga panlapi ay sinabi niyang ang “nga” ay

isang patay na gitlapi sa Tagalog, gaya halimbawa sa mga salitâng mangatuwâ (gáling

sa matuwâ), mangawalâ (gáling sa mawalâ), mangabasâ (gáling sa mabasâ), mangagdalá

(gáling sa magdalá), at mangagbasá (gáling sa magbasá). Kung susuriin, aniya, ang “nga”

ay nagbibigay ng kahulugang pangmarami sa mga pandiwang binabanghay sa “ma” at

sa “mag.” Alinsunod pa rin sa kaniya, ang “nga” ay isinisingit sa pagitan ng unlapi at ng

salitâng-ugat. Kung ito’y totoo, bakit hindi ganito ang nangyayari sa kaniyang dalawang

hulíng halimbawa (mangagdalá at mangagbasá), na kung talagang susundin ang kaniyang

sinabi, ay dapat sanang maging magNGAdalá at magNGAbasá. Subalit wala táyong mga

salitâng MAGNGADALA at MAGNGABASA, kayâ hindi kami makapaniwalang “nga”

ang tunay na gitlapi sa mga halimbawang salitâng nabanggit sa itaas nitó.

Dahil sa aming pag-aalinlangan sa ginawang pagsusuri ni Balmaseda, gumawa

kami ng sariling pag-aaral sa bagay na ito. Ngunit bago kami gumawa ng pagsusuri, ay

nagtipon muna kami ng ilan pang mga salitâng maaaring magámit na halimbawa sa aming

pag-aaral, gaya ng mga sumusunod: MANGAALÍS (gáling sa maalís), MANGASAWÎ

(gáling sa masawî), MANGAMATÁY (gáling sa mamatáy), MANGABIGÔ (gáling sa

mabigô), MANGASIRÀ (gáling sa masirà), MANGAGSULÁT (gáling sa magsulát),

MANGAGSÁBI (gáling sa magsábi), MANGAG-ÁRAL (gáling sa mag-áral),

MANGAGTINDÁ (gáling sa magtindá), MANGAGLAKÁD (gáling sa maglakád), at

MANGAGSALITÂ (gáling sa magsalitâ).

Kung hindi nga “nga” ang gitlapi sa mga salitâng nabanggit, ang bagay na ito ay

dapat maging maliwanag sa pamamagitan ng mga patunay, na mangyaring hindi dapat din

namang ipakilála nang maliwanag kung bakit hindi, at kung ano naman ang ipinalalagay na

siyáng tumpak na panlapi. At ganito nga ang aming gagawin ngayon dito.

Ngunit bago kami magpatuloy, sapagkat gitlapi ang aming susuriin, ibig muna

naming sariwain sa inyong pang-unawa, na ang panlahat na tuntunin sa paggigitlapi,

bagaman mayroon ding tumataliwas, ay dapat mapasingit ang gitlapi sa pagitan ng una

at ikalawang titik ng salitâng nilalapian, maging ito’y ugat o maylapi nang salitâ. Batay sa

ganitong tuntunin, ang “nga,” upang ito’y maging gitlapi, ay dapat mapasingit sa pagitan ng

una at ikalawang titik, subalit hindi nga ganito ang nagyayari, sapagkat sa mga halimbawang

salitâ, sa banghay sa “ma,” ito’y sa pagitan ng unlapi at ng salitâng batayan napapasingit, at

sa banghay sa “mag,” sa pagitan ng ikalawa at ikatlong titik ng unlapi, alalaong baga’y sa

pagitan ng “ma” at ng “g.” Sa biglang malas, sa una ay maaaring ipalagay na tumpak, ngunit

dito sa hulí, kailanman ay hindi maaaring mangyari, sapagkat kung ito ang masusunod, ang

MAGSALITÂ ay magiging magNGAsalitâ at hindi MANGAGSALITÂ.

Sa bisà ng ganitong paliwanag, hindi maaaring maging gitlapi ang “nga,” sapagkat

ito’y tuwirang lumalabag sa pangkalahatang tuntunin sa paggigitlapi. Ngunit kung hindi

nga “nga,” ay ano ang gitlapi sa mga nabanggit na salitâ? Ito ang katanungang dapat sagutin.