You also want an ePaper? Increase the reach of your titles
YUMPU automatically turns print PDFs into web optimized ePapers that Google loves.
Vito C. Santos

PAGPAPAKILÁLA SA ILANG GITLAPING

PATAY SA TAGALOG

ITO’Y ISANG PANIMULANG pag-aaral tungkol sa ipinalalagay naming “bagong

tuklas” na mga gitlaping Tagalog. Bagong tuklas, ang sabi namin, sapagkat kung hindi kami

nagkakamali, wala pang sinumang kumikilála, ni nag-ukol ng pag-aaral sa mga tipik na

papaksain namin sa papel na ito. Maging sa opisyal na Balarila ng Wikang Pambansa ay

hindi nangabanggit ang mga ito. Dalawa lámang ang gitlaping pinag-ukulan ng pag-aaral

ng Balarila, ang “-um-” at “-in-,” na kapuwa isinisingit sa pagitan ng una at ikalawang titik

ng salitâng nagsisimula sa katinig, gaya sa mga salitâng lumakad, sumama, kumain, tinapà,

sinaing, at marami pang ibáng kauri ng mga ito. Nabanggit din ang gitlaping “-al-” sa

hanay ng mga panlaping malabuháy, ngunit maliban sa pagkakabigay ng dalawa o tatlong

halimbawang salitâng kinapapalooban nitó, ay wala namang ginawang anumang pagsusuri.

Ang gitlaping “-al-” ay naging paksa na rin sa isang pag-aaral ng nasirang Julian C.

Balmaseda, isang dalubwika at naging patnugot ng Surian ng Wikang Pambansa, ngunit

dahil sa pagkakahawig-hawig ng itinalâng mga kahulugan, yao’y lalong naging malabo at

masalimuot, sa halip na maunawaan. Gayunman, ang pag-aaral na iyon ay naging kapakipakinabang,

hindi lámang dahil sa nagbukás ng landas sa pagtuklas ng ibá pang mga

panlaping patay sa tagalog, kundi lubos pa ring nagpasinungaling sa naging paniwala ni

Louis B. Wolfenson, na sa Tagalog ay may mga gitlaping “la”, “li” at “lo,” nang talakayin

niya ito sa isang pag-aaral na nalathala sa Journal of American Oriental Society noong 1906,

sa ilalim ng pamagat na “The Infixes LA, LI, LO in Tagalog.”

Madalîng mauunawaan ang kahalagahan ng pagsusuri at muling pagbúhay, hangga’t

maaari, sa mga patay na panlaping Tagalog, kung isasaalang-alang na sa Tagalog, ang mga

panlapi’y siyáng pangunahing batis ng pagpapayaman. Walang pandiwang salitâng-ugat sa

Tagalog, maliban sa ilang halimbawang ginagámit sa anyong pautos sa gámit na kolokyal,

ngunit dahil sa mga panlapi, ang lahat ng salitâ ay, maging hiram o likha, ay maaaring

magawang pandiwa. Ito, marahil, ang ikinahihigit ng Tagalog sa ibáng mga wika, kasáma

na ang Ingles at Castilla. Sa pamamagitan ng mga panlapi ay maaari táyong makabuo ng

ibá’t ibáng anyo ng mga salitâ, batay o hango sa isang salitâng-ugat, maging ito’y hiram

o likha. Kunin nating halimbawa ang salitâng “araw.” Mula sa salitâng ito, ay subukin

ninyong magtalâ ng mga salitâng maaaring bumuo sa pamamagitan ng mga panlapi at

kayó’y magugulat sa dami ng inyong maitatalâ.