Mun-udi: Ang Panday na Ifugao bilang Tagapag-ingat ng Taal na Kaalaman
Ubaldo, Lars Raymund C. 2016. Mun-udi: Ang Panday na Ifugao bilang Tagapag-ingat ng Taal na Kaalaman. Baguio: Cordillera Studies Center.
Ubaldo, Lars Raymund C. 2016. Mun-udi: Ang Panday na Ifugao bilang Tagapag-ingat ng Taal na Kaalaman. Baguio: Cordillera Studies Center.
Create successful ePaper yourself
Turn your PDF publications into a flip-book with our unique Google optimized e-Paper software.
8
MUN-UDI
Maaaring tingnan sa iba’t ibang anggulo ang nakababahalang
pagbabagong hatid ng “modernisasyon” o Kristiyanisasyon sa mga
pamayanang gaya ng Ifugao. Sa isang banda, magpapatuloy itong
suliranin kung hindi mapuputol ang mapangmaliit na pananaw
sa kinagisnang kalinangan ng mga taga-labas at maging ng mga
taga-loob mismo. Bunga ito ng karanasang historikal na nakakabit
sa pananakop at “pagsasagilid” ng kultura ng mga pangkat na
“hindi Kristiyano” at mga “taga-bundok.” Gayunman, kung titingnan
ang ganitong kalagayan ng paglayo ng nakababatang henerasyon
sa kanilang ninuno bilang makabuluhang hamon dapat tugunin,
malaki ang posibilidad na mabubuksang muli ang landas ng
pagtuklas, paggamit at pagpapahalaga sa minanang kalinangan.
Sa hamong ito, mahalaga ang pagtugon ng mga iskolar mula sa
iba’t ibang larangan ng agham panlipunan upang maidokumento,
maunawaan at mapahalagahan ang minanang kalinangan.
Daloy ng mga “pinanday na salaysay” sa aklat
Nahahati sa apat na bahagi ang aklat bilang dokumentasyon
ng pagpapanday ng mga Ifugao.
Tinatalakay sa unang bahagi ang batayang tradisyon ng
pagpapanday ng Kapilipinuhan. Sinisimulan ang bahaging ito
sa kontekstuwalisasyon sa umpisa ng paggamit ng bakal ng mga
lipunan sa Pilipinas. Itinatampok din sa bahaging ito ang pagiging
panday bilang propesyon sa matandang lipunang Pilipino. Dahil sa
kahalagahan ng ginagawang produkto ng panday, kinikilala siya
bilang “haligi ng lipunan.” Ang kronolohikal na presentasyon ng
mga etnograpiko at historikal na ulat ang magpopook sa pinag-umpisahan
ng katutubong kaalaman na nakatuntong sa binansagan ng mga
iskolar na tradisyon ng bulusang Malayo.
Ang ikalawang bahagi ng aklat ay pagbalik sa mga naratibong
nakatuon sa pagpapanday sa Cordillera. Nabuo ang mga
talâng etnograpiko at pangkasaysayan batay sa aktuwal na
obserbasyon ng mga misyonero, mananaliksik at iskolar na
Espanyol at iba pang Europeo at kalaunan, ng mga Amerikano.
Sa binuo at pinag-ugnay-ugnay na mga salaysay, natukoy
ang mga pamayanan sa Cordillera na kilalang nag-iingat
ng kaalaman at tradisyon ng pagpapanday gaya ng Suyoc,
Buguias, Balbalasang, Baliwang, bukod sa iba pa. Sunod din sa
tradisyon ng bulusang Malayo ang pagpapanday ng iba’t ibang