Mun-udi: Ang Panday na Ifugao bilang Tagapag-ingat ng Taal na Kaalaman
Ubaldo, Lars Raymund C. 2016. Mun-udi: Ang Panday na Ifugao bilang Tagapag-ingat ng Taal na Kaalaman. Baguio: Cordillera Studies Center.
Ubaldo, Lars Raymund C. 2016. Mun-udi: Ang Panday na Ifugao bilang Tagapag-ingat ng Taal na Kaalaman. Baguio: Cordillera Studies Center.
Create successful ePaper yourself
Turn your PDF publications into a flip-book with our unique Google optimized e-Paper software.
MUN-UDI
Ang Panday na Ifugao bilang
Tagapag-ingat ng Taal na Kaalaman
LARS RAYMUND C. UBALDO
CORDILLERA STUDIES CENTER
University of the Philippines Baguio
Baguio City, Philippines
2016
Inilimbag ng
CORDILLERA STUDIES CENTER
University of the Philippines Baguio
2600 Baguio City, Philippines
telefax: (6374) 442 5794
email: csc.upbaguio@up.edu.ph / cordillerastudies@gmail.com
website: www.cordillerastudies.upb.edu.ph
Karapatang-ari © 2016 ng Cordillera Studies Center
University of the Philippines Baguio
Reserbado ang lahat ng karapatan. Walang alinmang bahagi ng aklat
na ito ang maaaring sipiin nang walang nakasulat na pahintulot mula sa
may-akda at tagapaglathala.
Disenyo ng aklat at pabalat ni Fara Manuel-Nolasco
ISBN 978-621-95605-04
ii
NILALAMAN
Paunang Salita
Talaan ng mga Larawan
Talaan ng mga Mapa
Talaan ng mga Hanayan
Talaan ng mga Appendix
Pasasalamat
1 Udi: Panimula sa Dokumentasyon ng Pagpapanday
ng mga Ifugao
2 Panday: Kasaysayan ng Isang “Propesyon”
3 Los Herreros Igorrotes: Ang mga Panday sa Cordillera
4 Ang Mga Tagapagmana ni Dinipaan ud Daya: Ang mga Panday
na Ifugao
Ilustrasyon at Etnograpikong Talâ
ng mga Kagamitang Pinanday
5 Boltan: Ang mga Likha ng Panday sa Kamalayang Ifugao
6 Konomnoman: Pagpapahalaga sa Taal na Kaalaman
sa Pagpapanday ng mga Ifugao
Appendix
Bibliograpiya
Index
iii
1
Udi: Panimula sa Dokumentasyon ng
Pagpapanday ng mga Ifugao
Tumutukoy ang udi sa martilyong ginagamit sa pagpapanday
ng Ifugao. 1 Kaya, silang mga espesyalista sa paggamit ng udi,
ang mga panday, ay tinatawag na mun-udi. Sa hindi nalalayong
panahon, ang udi ay matigas na batong kinukuha ng mga mun-udi
mula sa ilog upang gamitin sa kanilang pandayan. Nagsisilbi itong
panghugis ng pinaiinitang bakal na pinupukpok hanggang makalikha
ng iba’t ibang gamit gaya ng itak, sibat, kutsilyong pang-ani
ng palay at iba pa. Maingat na pinipili ng mga panday ang kanilang
udi upang pakinabangan ito nang pangmatagalan. Simbolo ang
udi sa direksiyon ng pag-aaral na ito na naglalayong idokumento
ang kaalaman at kasanayan ng mga panday na Ifugao na patuloy
na pinagyayaman at pinahahalagahan hanggang sa kasalukuyan.
Mula sa perspektiba ng araling pangkasaysayan at pangkalinangan,
idinukumento at sinuri ang halaga ng kaalamang teknikal
sa paggawa ng mga kasangkapang yari sa bakal, asero at iba pang
metal ng mga Ifugao, ang isa sa maituturing na may mayamang
“taal na agham” sa Cordillera ng hilagang Pilipinas.
Kinikilala ang pagpapanday bilang isang kasanayan na
nagsisilbing palatandaan ng kanilang husay na umangkop sa
kapaligiran habang tinutugunan ang bawat pangangailangan para
sa pagtatanim, pangangaso, pag-ukit, pakikipagkalakalan, pakikidigma
at maging sa pagpapabatid sa pamayanan ng katayuang
panlipunan ng isang pamilya o angkan. Katulad ng mababatid sa
kabuuan ng pag-aaral na ito, ang halaga ng panday sa pamumuhay
ng mga Ifugao ay sinusukat sa mga produktong kanilang ginagawa.
Bagamat may mga pagkakataong hinuhusgahan ng ilang mga
dayuhang naunang gumawa ng ulat na “hindi maaaring kilalanin
bilang sopistikadong kaalaman” ang pagpapanday ng mga Ifugao,
kakaiba naman at sa kalakhan ay hindi umaayon ang persepsiyon
ng mga Kristiyanisadong pamayanan sa patag ukol dito dahil higit
nilang tinatangkilik ang mga produkto gaya ng itak na gawa ng
mga “taga-kabundukan.” 2 Sa higit na malawak na pananaw, ang
mga mananaliksik at iskolar na napadako sa mga pamayanan
2
MUN-UDI
ng mga Ifugao ay kumbinsidong kaugnay ng tradisyon sa Timog
Silangang Asya ang pagpapanday ng mga Ifugao. Ito ay itinuturing
na palatandaan ng mataas na antas ng kalinangang naabot ng mga
taong naninirahan sa mga matatandang sentro ng populasyon sa
rehiyon. Gamit ang teknika ng “bulusang Malayo” (Malay bellows/
forge), nakalilikha ng mga pang-araw-araw na gamit mula sa metal
ang mga panday at dahil dito’y napalagay sila sa impluwensiyal na
posisyon sa lipunang kanilang kinabibilangan.
Mula pa sa panahon ng mga Espanyol hanggang sa kasalukuyan
hindi iilang iskolar ang nagtuon ng pananaliksik sa pamumuhay,
gawi at tradisyon ng mga Ifugao. Ang mga talâng pangkasaysayan
at ulat sa anyong etnograpiko ay interesanteng dokumentasyon
ng pagpapanday bagamat ang dunong na ito ay pahapyaw lamang
na nababanggit. 3 Sa katunayan, dahil dala-dala ang pananaw na
“eksotiko” o “kakaiba” ang kultura ng mga “taga-bundok” kumpara
sa mga “taga-patag” o ng mga “Kristiyano” kumpara sa mga
“pagano” o ng mga “mananakop” kumpara sa kanilang “sinasakop,”
nagiging mapangmaliit ang ilang mga deskripsiyong banyaga sa
tinawag nilang “katutubong kaalaman” ng mga Ifugao at ng mga
Pilipino sa kabuuan. 4 Inihihiwalay ito ng mga dayuhan sa kanilang
nalalamang “Kanluraning kaalaman.” Kaya nga, nagreresulta ang
ganitong tapatan ng kategorya at label sa nagpapatuloy na pagsasaisantabi
sa kasanayan at sining ng pagpapanday. Gayunman, sa
paglipas ng panahon, may mga pagtatangkang baguhin o ibaling
sa ibang direksiyon ang pagkilala sa mga matatandang anyo ng
dunong. At dahil marami na rin ang mga mismong Ifugao na iskolar
at mananaliksik na naglimbag ng mga akda kaugnay ng kanilang
kasaysayan at sistema ng pamumuhay, sa kabila ng pagiging maikli
ng mga pagtalakay, higit ngayong nagiging malalim ang pag-unawa
sa papel ng panday at pagpapanday. Upang dagdagan ang mga
kongkretong pag-aaral sa kasalukuyan gamit ang perspektiba ng
mga agham panlipunan lalo na ng kasaysayan at araling pangkalinangan,
kinakailangan ang dokumentasyon, pag-uugnay at
analisis sa magkakakawing na aspekto ng paniniwala, teknikal na
kaalaman, aktuwal na produksiyon at pagpapahalaga ng lipunan
sa panday at pagpapanday.
Ang dokumentasyon ng taal at minanang kaalaman gaya ng
pagpapanday ng mga Ifugao ay kinikilalang isang pagtugon sa
pangangailangang tanggalin, burahin at iwasto ang dati nang
namamayaning pananaw na ito ay “primitibo/sinauna” at dapat
Udi
3
tingnan lamang gamit ang lente ng “eksotisismo/pagtuturing na
kakaiba.” Para sa pag-aaral na ito, ang pagbalik at pagtatampok sa
pagpapanday ng mga Ifugao ay pagkilala at muling pagpapakilala
(lalo na sa mga hindi kabilang sa pamayanang kultural) ng isang
lehitimong kaalaman, kasanayan, sining at bahagi ng pagkakakilanlan.
Malaki ang papel na ginagampanan ng mga iskolar sa dokumentasyon
ng ganitong anyo ng kaalaman. Pagkakataon ang
pananaliksik na italâ ang mga hindi kalimitang pinapansing
bahagi ng kultura. Sa malimit na pagkakataon, may mga bahagi
ng kultura na isinasaisantabi o hindi pinag-uukulan ng pansin
dahil sa pagiging ordinaryo ng mga ito. Kung napagtutuunan man
ng pansin ng mga mananaliksik, nagiging mababaw lamang ang
pag-unawa sa halaga ng isang bahagi ng kultura dahil hindi ito
tinangkang tingnan mula sa pananaw ng mga mismong nagmamay-ari
ng kalinangan. Bagamat may tendensiyang taglay lagi
ng mananaliksik ang kanyang pagkiling at ang paniniwalang
“kakaiba” ang kulturang kanyang pinag-aaralan, marapat tingnan
ang positibong implikasyon ng pananaliksik bilang paghahawan ng
landas na maaaring tahakin ng mga susunod pa. Responsibilidad
na ng susunod na manananaliksik na itampok, hindi ang mga
nauna nang paggamit ng lenteng tumitingin sa kung ano ang eksotiko
at naiiba, sa halip, ang pagiging likas ng kulturang kanyang
pinag-aaralan. Isang direksiyon na dapat isulong ang pagtingin sa
pagpapanday bilang lehitimong produksiyon at anyo ng kaalaman
na pinakikinabangan, pinagyayaman at pinahahalagahan ng
nagmamay-ari ritong pamayanan.
Ang Asosasyon ng mga Panday ng Mungayang
bilang giya sa pananaliksik
Tuwing Sabado, “araw ng pamamalengke” (market day) sa
bayan ng Lagawe, ang kasalukuyang kabisera ng lalawigan ng
Ifugao, isa sa mga interesanteng mabibili ng mga tao ang mga
pinanday na kagamitang gaya ng hinalung, pihlit, kutiwong, uwah,
kumpay at hanggap. Marami ang tumatangkilik sa produkto ng
mga panday gaya ng mga mamimili mula sa mga kalapit na mga
bayan ng Bontoc at Sagada hanggang sa mga mangangalakal mula
sa kapatagan ng Nueva Viscaya. Sa panimulang pagtatanong sa
mga naglalakong panday, napag-alamang ang mga kalakal nila
ay patuloy pa ring ginagawa sa kalapit bayan ng Kiangan, lalo
4
MUN-UDI
na sa Barangay Mungayang. Aktibo pa ang mga panday rito at
sa katunayan ay bumuo pa ng sarili nilang organisasyon upang
itaguyod ang kanilang “propesyon.” Mula sa panimulang kaalamang
ito, nahikayat akong balikan ang batayan at pinagmulan
ng isang mahabang tradisyon ng pagpapanday ng mga Ifugao na
nagpapatuloy at umaayon sa nagbabagong panahon.
Bunsod ng mga programang panturismo at sa paglulunsad ng
mga ahensiya ng gobyerno ng mga programang may kaugnayan sa
pagpapaunlad ng industriya ng mga bayan at lungsod sa bansa,
nakita ng mga panday na Ifugao ang pangangailangang gamitin
ang kanilang kinagisnang kaalaman upang mapakinabangan ito.
Isa sa mga tinugunan ng mga panday na Ifugao ay ang programa
ng Department of Trade and Industry (DTI) na One Town, One
Product (OTOP). Ang mga panday ng barangay ay nag-organisa
noong 2003 ng kanilang samahan na tinawag nilang Asosasyon
ng mga Panday ng Mungayang. Narehistro ito sa Securities and
Exchange Commission noong 2003 (SEC Registration No. CN
200306008) at napabilang na mga miyembro sina Johny Dumangeg,
Crespillo Baglan, Domingo Dumapi, Rogelio Dumapi, Rogelio
Habiatan, Peter Dulnuan, Bernardino Batoc, Sr., Paul Dulnuan,
Jose Dulnuan, Jose Taguiling, Ruperto Pinkihan, Domingo
Pinkihan, Silverio Belingon, Eduardo Baglan, Jr., Pablo Batoc,
Jr. at Domingo Habiatan. Layunin ng organisasyong paunlarin
ang industriya ng pagpapanday sa kanilang barangay upang higit
itong makilala kahit sa labas ng Ifugao lalo na sa pamamagitan
ng pagdidisplay sa kanilang mga produkto sa mga trade fair. Ang
organisasyon din ang tatayong kinatawan upang makipag-ugnay
sa pamahalaan sa mga pagkakataong kinakailangan nila ng suportang
teknikal at pinansiyal na rin. Layunin din nitong magkaroon
ng pagtutulungan ang mga panday para sa pagbabahagi ng mga
kaalaman at pasilidad nang sa gayo’y marami pa ang mahikayat na
pag-aralan ito at ipagpatuloy. 5
Sa pamamagitan ng samahan ng mga panday, naipagpapatuloy
ang mahabang tradisyong ito na nakatutulong bilang isa sa mga
pinagkukunan ng ikinabubuhay. Ang kaalaman sa pagpapanday sa
Mungayang, batay sa nagugunita ng mga nakatatanda, ay maaaring
nagsimula kay Ruperto Dulnuan, Sr. Nagsimulang maging aktibo
sa pagpapanday si Dulnuan noong panahon ng Hapon (1942-1945)
at kalimitang gumagawa ng mga kagamitan sa pagsasaka at
pag-aani. Naipasa ito sa kasunod na henerasyon at ilan sa mga
Udi
5
nakikilala o natatandaan pang panday ng pamayanan ay sina Julio
Buyayo, Gabriel Bungtition at Balajo Pingkihan. 6
Mula sa mga inisyal na impormasyong ibinahagi ng mga kasalukuyang
panday ng Mungayang, napadako pa ang pananaliksik
sa iba pang mga pandayan sa Balawis, Bissang, Tam-an, Bocos,
Ibayong at Pugo na pawang bahagi ng bayan ng Banaue, sa bayan
ng Hingyon at maging sa Hapao na bahagi ng kasalukuyang bayan
ng Hungduan. 7 Sa pag-oobserba sa larangan, napunang nagpapatuloy
pa ang paggamit ng kaalaman bagamat may mga pagbabagong
hindi maiiwasan gaya ng introduksiyon ng mga makabagong gamit
at ang pagpabor sa produksiyon ng mga bagay na pinapanday
na mas madaling ibenta. Mas madali ang produksiyon gamit
ang makabagong uri ng blower na pinatatakbo ng kuryente. Mas
madali namang bumabalik ang puhunan ng mga panday kung ang
kanilang gagawin ay ang mga itak na madaling ikalakal sa labas ng
kanilang pamayanan. Tunay nga na hindi maiiwasan ang ganitong
uri ng pakikiangkop sa nagbabagong panahon, at dahil dito, higit
na nagiging dinamiko ang paglinang ng taal na kaalaman.
Sa kabila ng mga itinuturing ng mga panday na manipestasyon
ng modernisasyon, may mga nanatili pa ring nagpapahalaga sa
kaalaman ng pagpapanday sa mas matanda nitong pamamaraan.
Karaniwang matatagpuan ang tradisyonal na pandayan sa
ilalim ng bahay ng mga panday. May mga pagkakataon, gaya ng
naobserbahan ng mananaliksik na ito sa Mungayang, Kiangan,
Ifugao, na hiwalay na tila bahay ang pandayan. May bubong
ang istruktura na gawa sa yero subalit walang sahig o dingding.
Mayroon lamang piraso ng yero na ginagamit na panangga kung
malakas ang hangin. Ang ilang tradisyonal na pandayan na nakita
sa mga bayan ng Banaue at Hungduan sa Ifugao ay gumagamit
ng dalawang troso na inuka ang gitna bilang bumbong ng bulusan
(bellows). May pagkakataong tubo ng PVC ang ginagamit [Tingnan
ang Larawan 2]. Tatlo hanggang limang talampakan ang haba
ng bumbong. Nakatayo ang dalawang bumbong habang sa dulong
bahagi sa ibaba ay may nakadugtong na kawayang may butas
patungo sa panggatong na sinisindihan. Inilalagay sa gitna ng
uka ng kahoy o kawayan ang isang mahabang hawakan na ang
dulo ay may bungkos ng tuyong dahon at lumang tela. Kinakailangang
akma sa laki ng butas ng bumbong ang bungkos ng dahon o tela.
Inilulubog nang halinhinan ang mahabang hawakan upang makalikha
ito ng hangin na tuloy-tuloy na magpapa-apoy sa panggatong.
6
MUN-UDI
Ito ang tinatawag na lugalug o opop ng mga Ifugao. Tatlong
katao na magkakamag-anak o kabilang sa iisang sambahayan
ang kalimitang gumagawa sa tradisyonal na pandayang Ifugao.
Isa ang halinhinang nagpapalubog ng panghangin sa bumbong.
Isa ang nagpapainit ng bakal sa apoy at isa ang tagapukpok ng
pinainitang bakal. Ang tumatayong pinakapanday ang tagapukpok
ng bakal na siya ring nagbibigay ng atas sa dalawang kasama
kung ano ang sapat na ningas at kung ano ang angkop na init ng
bakal. Ang panday din ang naglulubog sa tubig para sa tamang
pagkakasubó (temper) ng bakal na kanyang pinapanday. Sa kanilang
pagtutulungan nakakabuo ng mga mahuhusay na iba’t ibang uri ng
itak, sibat at kagamitang pansaka.
Sa pag-aaral na ito hinggil sa minanang kaalaman sa
pagpapanday ng mga Ifugao, inilalatag ang mga batayan at ang
kasaysayan ng kanilang kaalamang teknikal na isa sa mga bahagi
ng mayamang etno-agham. Sa pamamagitan ng pagbalik sa mga
salaysay kaugnay ng pagpapanday—sa mga dokumento man o sa
mismong ibinahaging karanasan ng mga panday—matutunton
kung paano pinahahalagahan ng lipunan ang panday, ang
kanyang kaalaman at kasanayan at ang kanyang mga nililikhang
kagamitan. 8 Importante ang mga dimensiyong ito ng pananaliksik
tungo sa pagbabalangkas ng lente ng pag-unawa sa mga aspekto ng
epestimolohiya ng taal na kaalaman.
Ang mga Ifugao bilang tagapag-ingat ng kaalaman
sa pagpapanday
Popular na ipinaliliwanag ang pinanggalingan ng salitang
Ifugao (binabaybay ring Ifugaw at Ipugaw) sa ganitong paraan:
ang salitang ugat ay “pugo” (lupa) na nilagyan ng unlaping “I”
(taga) kaya’t nangangahulugan itong “tagalupa.” 9 Sa iba’t ibang
panahon, ang mga Ifugao ay ibinibilang sa mapanlahat na katawagang
Ygorot/Igorot, Ygolote at Ygorrote. 10 Sa kabila nito, sa mga
Ifugao mismo ay may mga pagpapangkat-pangkat ayon sa talâ
ng mga misyonerong Espanyol noong ika-19 na dantaon kaya
nga ipinakilala sila bilang Bungianes (taga-hilagang silangang
Ifugao), Mayoyao (taga-hilagang silangang Ifugao rin), Silipanes
(naninirahan sa timog-silangang Ifugao) at Quianganes (ang mga
matatagpuang pamayanan sa timog-kanlurang Ifugao). 11 Noong
ika-19 na dantaon din, tinutukoy ang mga pamayanan kung saan
naninirahan ang mga Ifugao gaya ng Kiangan, Mayaoyao, Burney,
Udi
7
Baunton, Ipan, Inapu, Babatu, Rawan, Umbo, Caviang, Nungabu,
Yenlac, Bulo, Cananau, Pantucan, Lumaban, Ambabag, Tipulac,
Ibuang, Pundugan, Yanot, Dugon, Magulang, Bagunlong, Mantabian,
Anompit, Dakagan at iba pa. 12 At naitatag din ng mga Espanyol
ang Commandancia-Politico Militar del Qiangan hanggang sa
naging bahagi ng Provincia Montañosa at kalaunan ay Mountain
Province sa panahon ng mga Amerikano. 13 Sa kasalukuyan, Ifugao
rin ng tawag sa lalawigan kung saan naninirahan ang mga Ifugao.
Ang lalawigan ng Ifugao ay pormal na naihiwalay sa dati nitong
kinabibilangang Mountain Province noong 1966. Nakasama naman
ang lalawigan ng Ifugao sa pagkakatatag ng Cordillera Administrative
Region noong 1988. Sa kasalukuyan, binubuo ang lalawigan ng
Ifugao ng labing-isang bayan—Aguinaldo, Alfonso Lista, Asipulo,
Banaue, Hingyon, Hungduan, Kiangan, Lagawe, Lamut, Mayoyao
at Tinoc. Bagamat itinuturing na mapanlahat ang katagang Ifugao
para tukuyin ang mga mamamayang naninirahan sa lugar, may
mga pagpapangkat-pangkat din sila batay sa mga wikang sinasalita
at magkakaibang kalinangan. 14
Isa sa may pinakamakulay na kasaysayan, kultura at tradisyon
sa buong Cordillera ang mga Ifugao. Kakabit ng tanyag nilang imahe
ang mga payoh/payyo/padjo/payaw o terasang palayan. Bukod
dito, hindi rin matatawaran ang kanilang kaalaman sa paghabi,
pag-ukit at iba pang kaalamang teknikal gaya ng pagpapanday. Sa
kabila ng kinikilalang makabuluhang kontribusyon ng mga Ifugao
sa pangkalinangang pamana ng Pilipinas, hindi maiiwasan ang
pagkakataong unti-unting nawawala, nakalilimutan o napapalitan
ang mga makabuluhang aspekto ng kanilang kalinangan lalo ng
kasalukuyang salinlahi. Ganito ang pagtataya ng iskolar na Ifugao
na si Manuel Dulawan sa kinahinatnan ng mahahalagang bahagi
ng kanilang kultura:
The Ifugao, as a distinct ethnic group, have been gradually
losing their cultural heritage. The last few decades have seen
the steady supplanting of their cultural system by a mixture
cally,
it has been the government and the Christian churches
that have been myopically, yet relentlessly, exerting tireless
efforts and pressures to educate and proselytize the Ifugao for
decades. It is now obvious that they have succeeded in their
aims, to the extent that they have made the present young
Ifugao distant cultural kin of their grandparents, ignorant of
their own cultural roots and heritage. 15
8
MUN-UDI
Maaaring tingnan sa iba’t ibang anggulo ang nakababahalang
pagbabagong hatid ng “modernisasyon” o Kristiyanisasyon sa mga
pamayanang gaya ng Ifugao. Sa isang banda, magpapatuloy itong
suliranin kung hindi mapuputol ang mapangmaliit na pananaw
sa kinagisnang kalinangan ng mga taga-labas at maging ng mga
taga-loob mismo. Bunga ito ng karanasang historikal na nakakabit
sa pananakop at “pagsasagilid” ng kultura ng mga pangkat na
“hindi Kristiyano” at mga “taga-bundok.” Gayunman, kung titingnan
ang ganitong kalagayan ng paglayo ng nakababatang henerasyon
sa kanilang ninuno bilang makabuluhang hamon dapat tugunin,
malaki ang posibilidad na mabubuksang muli ang landas ng
pagtuklas, paggamit at pagpapahalaga sa minanang kalinangan.
Sa hamong ito, mahalaga ang pagtugon ng mga iskolar mula sa
iba’t ibang larangan ng agham panlipunan upang maidokumento,
maunawaan at mapahalagahan ang minanang kalinangan.
Daloy ng mga “pinanday na salaysay” sa aklat
Nahahati sa apat na bahagi ang aklat bilang dokumentasyon
ng pagpapanday ng mga Ifugao.
Tinatalakay sa unang bahagi ang batayang tradisyon ng
pagpapanday ng Kapilipinuhan. Sinisimulan ang bahaging ito
sa kontekstuwalisasyon sa umpisa ng paggamit ng bakal ng mga
lipunan sa Pilipinas. Itinatampok din sa bahaging ito ang pagiging
panday bilang propesyon sa matandang lipunang Pilipino. Dahil sa
kahalagahan ng ginagawang produkto ng panday, kinikilala siya
bilang “haligi ng lipunan.” Ang kronolohikal na presentasyon ng
mga etnograpiko at historikal na ulat ang magpopook sa pinag-umpisahan
ng katutubong kaalaman na nakatuntong sa binansagan ng mga
iskolar na tradisyon ng bulusang Malayo.
Ang ikalawang bahagi ng aklat ay pagbalik sa mga naratibong
nakatuon sa pagpapanday sa Cordillera. Nabuo ang mga
talâng etnograpiko at pangkasaysayan batay sa aktuwal na
obserbasyon ng mga misyonero, mananaliksik at iskolar na
Espanyol at iba pang Europeo at kalaunan, ng mga Amerikano.
Sa binuo at pinag-ugnay-ugnay na mga salaysay, natukoy
ang mga pamayanan sa Cordillera na kilalang nag-iingat
ng kaalaman at tradisyon ng pagpapanday gaya ng Suyoc,
Buguias, Balbalasang, Baliwang, bukod sa iba pa. Sunod din sa
tradisyon ng bulusang Malayo ang pagpapanday ng iba’t ibang
Udi
9
Mapa 1. Ang lalawigan ng Ifugao
10
MUN-UDI
grupong etniko sa Cordillera kung paghahambing-hambingin
ang mga salaysay ng mga dayuhang nag-ulat ng kanilang mga
nasaksihan.
Nakatuon naman sa mismong tradisyon ng pagpapanday ng
mga Ifugao ang ikatlong bahagi. Ang pag-uugat ng tradisyon ng
pagpapanday batay sa mga mitolohiyang panritwal at popular na
kuwento/pasalitang tradisyon ay mahalagang batayang pagtalakay
sa bahaging ito sapagkat laging sinasalungguhitan ng mga Ifugao
na may kinalaman sa kanilang sinaunang pananampalataya at
sistema ng kapaniwalaan ang anumang bagay na nalalaman nila
ngayon gaya ng pagpapanday. Kinikilala ng mga Ifugao na ipinagkaloob
ng mga anito o kaluluwa ng mga ninuno ang minanang
kaalaman. Sa pamamagitan ng pagsasagawa ng mga ritwal,
ang mga kaalamang ito ay naililipat sa kasunod na henerasyon.
Itinatampok din sa pagtalakay sa bahaging ito ang Sapao (Hapao)
na may reputasyon bilang sentro ng “gawaing industriyal” dahil
kilala sa pagpapanday sa buong Ifugao. At gaya ng binalikan sa
buong Pilipinas at maging sa Cordillera, salig din ang kaalaman sa
pagpapanday ng mga Ifugao sa teknikang gumagamit ng bulusang
Malayo. Sa bahaging ito, tinipon din ang mga katagang Ifugao na
may kinalaman sa pagpapanday at sa kanilang mga likha mula
sa mga diksiyunaryo at sa pakikipanayam sa mga panday. Hindi
matatawaran ang halaga ng wika sa bahaging ito ng pag-aaral
para maunawaan ang teknikal na aspekto ng pagpapanday. At sa
pamamagitan din ng pagtitipon ng mga katagang may kinalaman
sa kaalaman, mabubuksan ang posibilidad na maiugnay din sa iba
pang pangkating pangkalinangan sa Pilipinas ang pagpapanday ng
mga Ifugao. Para higit na maging malalim ang kabatiran ukol sa
kasanayan at kaalaman sa pagpapanday ng mga Ifugao, inilaan ang
karugtong na bahagi sa imbentaryo ng mga kagamitang pinanday
ng mga Ifugao kalakip ang mga ilustrasyon ng mga itak, kagamitang
pansaka at pag-ukit at mga sibat.
Ang ikaapat na bahagi ay ang mga tinipong salaysay mula sa
mitolohiya at pasalitang tradisyon ng mga Ifugao na kakikitaan
ng pagkilala sa kaalaman ng mga panday sa pamamagitan ng
pagpapahalaga sa kanilang likha. Ang silbi ng mga panday sa
lipunan ay pinatitingkad ng paggamit sa kanilang produkto mula
noon hanggang ngayon, sa pakikidigma, sa pakikipagkalakalan, sa
pagtatanim, sa mga ritwal at maging sa pagpapamana ng pagkakakilanlan.
Dahil dito, hindi nga nakapagtatakang nagpapatuloy
Udi
11
ang pagsasalin ng kaalaman at nagpapatuloy rin ang pag-aangkop
ang mga panday sa mga pagbabagong hatid ng panahon sa kasalukuyan.
Sa ganitong pormulasyon ng daloy ng pagtalakay, inaasahang
makapag-aambag ang pag-aaral sa pagpapalalim pa ng interes ng
mga iskolar sa mga agham panlipunan at maging sa mga agham
pangkalikasan na saliksikin din ang mga katulad na tradisyon ng
pagpapanday sa iba pang bahagi ng Pilipinas at sa pamamagitan
nito’y maitampok ang yaman ng ating kalinangan.
Mga talâ
1. Ang terminong udi ay Tuwali. Tingnan ang: Richard M. Hohulin at E. Lou
Hohulin (tagapagtipon), Tuwali Ifugao Dictionary (Maynila: Linguistic Society of the
Philippines, 2014), 583. Baryasyon ng pagbabaybay nito ang udi(h) batay sa Frans
Hubert Lambrecht, C.I.C.M., Ifugaw-English Dictionary (Lungsod ng Baguio: The
Catholic Vicar Apostolic of the Mountain Province, 1978), 500.
Nakapasok din sa bokabularyong Ifugao ang kalimitang ginagamit na terminong
panday na binibigkas na pandé. Sa Batad Ifugao, ang termino para sa martilyong
ginagamit ng panday ay bohal, kaya ang panday ay tinatawag na mun-bohal. Tingnan
ang: Leonard Newell (tagapagtipon), Batad Ifugao Dictionary with Ethnographic Notes
(Maynila: Linguistic Society of the Philippines, 2005), 185.
2. Hanggang sa kasalukuyan, marami pang mga mangangalakal mula sa mga
kapatagan ng Nueva Viscaya ang dumarayo sa market day ng Lagawe, Ifugao
tuwing Sabado upang bumili ng mga pinanday na itak ng mga Ifugao. Dahil
ito sa paniniwalang mas mataas ang kalidad (matibay, makapal at hindi agad na
pumupurol) ng mga ito sa kabila ng mga naglipanang mga ipinagbibiling itak sa
kapatagan na gawa sa China.
3. Sa mga ulat/talâng etnograpiko, higit na napagtutuunan ng pansin ang
kaalaman sa agrikultura at hortikultura ng mga Ifugao. Kinikilala ang pagtatanim
ng palay at ng iba pang halaman bilang pangunahing ikinabubuhay ng mga
tao, samantalang ang pagpapanday, paghahabi at ang mga katulad na gawaing
pantahanan ay ibinibilang sa mga tinatawag na “pequeñas industrias” (payak na/
munting pinanggagalingan ng ikinabubuhay). Bilang halimbawa, matutunghayan
ang ganitong pagtingin sa: Datos Acerca del Distrito de Quiangan (A Manuscript
in the Records in the Division of Ethnology, Maynila, 1892), Paper No. 14 ng
Koleksiyong H. Otley Beyer [mula rito ay babanggiting HOBP]; Sari (P. Mariano
Isar), “Distrito de Quiangan (Ifugao), El Mercantil 1, blg. 72 (Hunyo 27, 1902,)
Paper No. 136 ng HOBP]; Julian Malumbres, O.P., Breves Noticias sobre las Tribus
Salvajes del Norte de Luzon (Orihinal na manuskrito, 1905), Paper No. 15 ng HOBP;
12
MUN-UDI
Maximo Meimban, Historical Documents from the Sub-province of Ifugao, P.I. (Kiangan,
Subprovince of Ifugao, Oktubre 1911), Paper No. 89 ng HOBP, bukod sa iba pa.
4. Bilang halimbawa, sinasabi ng mga misyonerong Espanyol gaya ni Fray
Manuel Carillo na ang mga panday na “taga-bundok” (herreros Igorrotes) ay
pinapanday “ang mga kagamitang tanso sa pinakapayak na paraan na hindi man
lamang ginagamitan ng kasanayan ni ng kasiningan. Ni hindi sila gumagamit ng
martilyong pamukpok o kikil para maging pantay ang kinalabasan. Pinupukpok
nila ang tanso gamit ang matitigas na bato at dahil hindi sila marunong na gawing
mahusay ang mga ito, lumalabas na magaspang, pangit at maitim.” Tingnan ang:
Relación de las misiones de los Igorrotes en el partido de Ilocos, escrita por el Provincial
Carillo, Agustino, e Impresa en el año 1756 sa William Henry Scott (nagsalin), Notices
of the Pagan Igorots in the Interior of the Island of Manila (Maynila: Corporación de PP.
Dominicos de Filipinas, 1988), 286-289. Nasa ikatlong bahagi ng aklat ang mas
malawak na pagtalakay sa aspektong ito.
5. Ibinahaging impormasyon ni Manuel Limangan, Jr. sa interbyu ng mayakda
noong Abril 24, 2012 sa Mungayang, Kiangan, Ifugao. Para sa taong 2008
hanggang 2012, ang mga nanunungkulang opisyal ng samahan ay sina:
Pangulo: Manuel Limangan, Jr.
Pangalawang Pangulo: Bernardo Batoc, Jr.
Ingat Yaman: Rogelio Habiatan
Auditor: Lilibeth Dulnuan
Book Keeper: Marcela Dulipa
Business Manager: Cris Dulnuan
Business Manager: Marina Pinkihan
PRO: Ruperto Pinkihan
PRO: Marcos Dulipa
Mga Tagapayo: Peter Dulnuan
Gabriel Bongliwon
6. Ibid. Gayundin mula sa personal na komunikasyon ng may-akda kay Lilibeth
Dulnuan noong Abril 24, 2012 sa Mungayang, Kiangan, Ifugao.
7. Interesante ang kaso ng pagpapanday sa Hapao na tinatawag sa mga
matatandang dokumentong pangkasaysayan bilang “sentro” ng gawaing ito hindi
lamang sa noo’y tinatawag na ranchería ng Kiangan kung hindi, sa buong Cordillera
rin. Tingnan ang pagtalakay ukol dito sa ikatlong bahagi ng aklat.
8. Sa pananaliksik mula Pebrero 2010 hanggang Marso 2014, nagsagawa
ng pakikipanayam ang kasalukuyang mananaliksik sa mga nagpapatuloy pa ng
“propesyon” ng pagpapanday sa ilang mga bayan ng Ifugao sa kasalukuyan.
Dahil itinuturing na tagapag-ingat at tagapagpatuloy ng kaalaman at kasanayan,
mahalagang makita kung paano nila inuunawa o nauunawaan ang kanilang gawain
Udi
13
kakabit ng tradisyong nagsimula pa sa kanilang mga ninuno at ginagamit pa sa
kasalukuyan.
9. Ika-19 na dantaon nang magsimulang dumami ang mga ulat hinggil sa
mga Ifugao. Mababanggit kaugnay nito ang: Ruperto Alarcón, “A Description of
the Customs of the Peoples of Kiangan, Bunhian and Mayoyao, 1857,” salin ni
William Henry Scott, Journal of the Folklore Institute 2, blg. 1 (Hunyo 1965): 78-
100; Ferdinand Blumentritt, “Die Kianganen (Luzon),” Ausland 64 (1891): 118-
120, 129-132; Ángel Pérez (tagapagtipon), Relaciónes Agustinianas de las razas del
norte de Luzon (Manila: Bureau of Public Printing, 1904) at Buenaventura Campa,
Los Mayoyaos y la raza Ifugao apuntes para un estudio (Madrid: Imp. de la viuda de M.
Minuesa de los Rios, 1895). Kakabit ng kasaysayan ng mas malawak na subprovincia
de Ifugaos, maaaring konsultahin ang: Julian Malumbres, Historia de Nueva-Vizcaya y
provincia montanõsa (Maynila: Tipog. Litog. del Col. de Sto. Tomas, 1919), 393-402.
Para sa mga nakalimbag na kasaysayan ng etnolingguwistikong grupong ito,
importanteng tingnan ang perspektiba ng mga Ifugao mismo gaya ng sumusunod:
Mariano Dumia, The Ifugao World (Lungsod Quezon: New Day Publishers, 1978);
Lourdes Dulawan, “The Ifugaos,” Unitas 40, blg. 1 (Marso 1967): 4-52; Lourdes
Dulawan, Ifugao: Culture and History (Maynila: National Commission for Culture
and the Arts, 2001); Manuel Dulawan, The Ifugao (Maynila: National Commission
for Culture and the Arts, 2006) at Leah Enkiwe-Abayao, Mayoyao Ethnohistory and
Death Ritual Practices: Continuity and Change, 1857-1990, Disertasyong Doktoral
(University of the Philippines, Diliman, 2010).
10. Para sa pagtalakay sa kasaysayan ng terminong Igorot at iba pa, konsultahin
ang: William Henry Scott, The Discovery of the Igorots (Lungsod Quezon: New Day
Publishers, 1974). Ang nagpapatuloy na diskurso hinggil sa pagkakakilanlang
Igorot ay paksa rin ng: Gerard Finin, The Making of the Igorot: Contours of Cordillera
Consciousness (Lungsod Quezon: Ateneo de Manila University Press, 2005).
11. Guillermo Tejon, O.P., Juan Villaverde, O.P.: Missionary and Road-Builder
(Maynila: University of Santo Tomas, 1982), 47.
12. Scott, Discovery, 223.
13. Ang Commandancia Politico-Militar del Kiangan ay naitatag noong 1889.
Tejon, 190-200. Tingnan din ang kasaysayan ng probinsiya sa: Howard T. Fry, A
History of the Mountain Province, rebisadong edisyon (Lungsod Quezon: New Day
Publishers, 2006).
14. Wika ang isa sa nagiging batayan ng paghahati-hati ng pamayanang Ifugao.
Kinikilala bilang pangunahing pangkat ang Tuwali, Ayangan at Henanga. Tingnan
ang: Leah Enkiwe-Abayao, “Indigenous Management and Conservation Systems
of Forest and Medicinal Plants among Ifugaos of Northern Luzon” Kasarinlan:
14
MUN-UDI
Philippine Journal of Third World Studies 17, blg. 1 (2002).
Para naman sa mga pag-aaral na pangwika, tingnan ang talaan ng mga
diksiyunaryo at lathalain ng mga iskolar sa: Rex Johnson, Grace Tan at Cynthia
Goshert, 50 th Anniversary Bibliography of SIL Philippines (Maynila: Summer Institute
of Linguistics Philippines, Inc., 2003), 122-130 at 170-172. Sa isinagawang pagaaral
ng mga eksperto sa wika, ang Tuwali Ifugao na kilala rin bilang Gilipanes,
Ifugaw, Kiangan/Quiangan Ifugao ay kalimitang sinasalita sa Kiangan, Hapao at
Hungduan. Ang pagiging malapit nito sa iba pang wikang Ifugao sa aspektong
leksikal ay 80% sa Amganad Ifugao at 72% sa Batad Ifugao. Ang Batad Ifugao na
kilala rin bilang Ayangan Ifugao ay may mga baryasyon gaya ng Ducligan Ifugao. Sa
aspektong leksikal, 79% ang pagkakatulad nito sa Mayoyao Ifugao. Ang Mayoyao
Ifugao ( Mayaoyaw o Henanga) naman ay ginagamit sa mga bayan ng Mayoyao,
Aguinaldo at Alfonso Lista. Nauunawaan ang bokabularyo ng wikang ito nang halos
86% hanggang 94% sa Batad Ifugao. Ang Amganad Ifugao naman ay sinasalita sa
mga bayan ng Hungduan at Banaue at may mga baryasyon gaya ng Burnay Ifugao
at Banaue Ifugao. Sa malimit na pagkakataon, itinuturing na hiwalay ang Kallahan
o Keley-i (kilala rin bilang Antipolo Ifugao, Hanalulo, Keley-i, Keley-i Kalanguya,
Keleyqiq Ifugao). Ito ay sinasalita naman sa bayan ng Kiangan at Aritao sa Nueva
Viscaya.
15. Manuel Dulawan, Oral Literature of the Ifugao (Maynila: National
Commission for Culture and the Arts, 2005), 17.